Usapang Babae (Quite long but worthy to read... Swear!)

by Call Me Alpha   Jan 11, 2012


Intended for Filipino women out there... :)

*Tulala sa isang tabi... buntong hininga.

Uy! Kamusta? Ako eto ok lang, nag-iisip, nagmumuni-muni...

*Tatahimik ng sampung segundo. Tingin sa stars...
Bakit ganon ang mga lalaki? Kahit kelan talaga di ko sila maintindihan. Sabi nila ang babae daw ang magulo, pero feeling ko sila talaga ang mahirap intindihin. Badtrip!

*Buntong hininga... yuko.

Para sa kanila sila ang mas kawawa lalo na pagdating sa pagmamahal, talaga? Ewan ko ah, pero isipin mong mabuti, minsan ba napagtanto nila kung gaano kahirap maging babae lalo na pagdating sa relasyon?

*Iling... salumbaba...

Marami sa kanila di naniniwala sa ligawan stage, kesyo hindi na daw kaylangan. Basta gusto ka at gusto mo, ok na yun. Bakit ba daw patatagalin pa sa "oo" din naman daw ang tuloy. Paasa lang daw tayo, pakipot, pa-twitums! Diba nila alam kung gaano kahirap kumilala ng tao? Nang taong pag-aalayan at pagkakatiwalaan mo ng kalahati ng buhay mo? Pag minadali sasabihin "easy to get" pag pinatagal sasabihin "paasa...playing safe" pagbinusted sasabihin tang*na!

Pag ang lalaki matagal mo nang kilala siguro pwede pa, kahit kapalit nun eh masira at mawala ang pagkakaibigan at matagal nyong pinagsamahan. Pikit-mata at cross-finger ka nalang... ibulong sa hangin na tama kahit mahirap. Sugal na, mahal mo naman eh! Eh pero pano kung wala pang isang buwan kayong magkakilala? Oh sige counted, 3months na kayong pa-andap-andap nagkakatext, dalawang beses sa isang linggong nagkakachat... isang beses nagkita at lumabas... partida wala pang usap-usap... OK NA YUN? Oo na agad basta may "gusto" effect nang nararamdaman? Akala kasi nila sila lang ang sumusugal pagdating sa pagmamahal, kesyo tayo mamimili nalang daw... Kung talagang mamimili nalang tayo eh di sana ang script ng mga babae lagi, "Hoy ikaw! Gusto kita, ligawan mo ko!" "Pssst! Di mo ko kilala, pero gusto kita... TAYO NA!" Oha!

Hindi ba nila naisip na tumataya din tayo pagdating sa pag-ibig? Ilabas pa natin sa usapan ang mga nanay at tatay natin... pati na rin siguro sina ate at kuya. Kaya nga gusto natin silang makilala muna ng lubusan... para walang masayang... walang mawala... kahit labagin na lahat ng bawal... sasabihin nila "Pwede naman nating kilalanin ang isa't isa habang tayo na..." oh eh pagkatapos? Kung mapagtanto nila bigla na magkasalungat pala kayo sa maraming bagay, na hindi pala talaga tayo ang gusto nila, na nadala lang sila sa bilis ng sitwasyon... tapos eto tayong tanga nahulog na... sino kawawa? Hirap kasi sa kanila gusto lagi may assurance! Kahit di ka pa mahal basta gusto ka, madedevelop na daw yun... eh pano nga kung hindi?

*Singhot... Iling... tingin sa malayo...

Mas iba ang kwento pagsinagot mo na... kung gaano kagaling manligaw, mambola at magpahulog ng loob sa umpisa, syang bilis din magbago pag naging kayo na. Itatanggi nila yan malamang! 1st - 3rd month sayo iikot ang mundo nyan, kada minuto tunog ng tunog ang cellphone mo, pag di ka nakareply agad kesyo may ginawa ka lang saglit, mag-iiba na mood... may kilig factor pa rin kahit pahirapan sa pag-amo. 4th-6th month, consistent... date dito, labas doon, I miss you dito... I love you doon... tipong kahit saan ka lumingon may makikita kang puso... 7th-onwards... mapapangiti ka nalang... Kesyo may laro ng basketball, may practice sa banda, naaya maglaro ng DOTA, may inuman ang tropa... Oh sya, isama pa ang "Nagpasama kasi si Mama..." Magsasabi kung kelan andun na... pagtapos na... masaklap sa iba mo pa malalaman. Nagpaalam pa? "Sige baby/beh/mine/hon/hub ingat ka nalang dyan, wag masyado pagabi at pakapagod..." Itatanong, "Galit ka ba?" Syempre sasabihin mong hindi kung hindi naman talaga... "Galit ka eh, saglit lang naman 'to." "Ok..." "Galit ka talaga... sige bukas nalang, goodnight!"
Matitigilan ka nalang... ANO DAW? Replayan mo ng maayos sasabihin galit ka... replayan mo ng maikli mas lalong galit ka. HELLO? Kung idikta nalang kaya nila gusto nilang marinig at sabihin natin? Pagbigyan mo ng ilang beses aba lulubusin. Hindi magtetext kahit simpleng "Good morning." Mangungulit ka sa text para malaman kung kamusta na ba sila, malay mo may kung ano na palang nangyaring di mo alam... magrereply patulog ka na, "Sorry naiwan ko phone." "Sorry ngayon lang nakapagload." "Sorry nagyaya kasi tropa." Kung pwede lang sabihin, sa presinto ka nalang magpaliwanag!

Pag talagang nag-away at nagkagulo na... eto na, sumbat dito sumbat doon. Bakit daw sila lagi ang masama, sila lang daw ba lagi ang gagawa ng effort... ang magso-sorry... and mang-aamo... ang laging mag-aadjust sa gusto at ayaw natin? Oo nga pala, di daw pala sumbat tawag nila dun, pagpapakita at pagpapaintindi lang daw ng kamalian natin... ng pagkukulang... pagpapamukha ng mga nasakripisyo nila at sa atin na wala man lang nagawa kahit isa... kaya pala halos madurog na tayo, kulang nalang lamunin tayo ng buhay. Pagkukulang at sakripisyo pala ah! �

*Kuha ng tissue, pahid sa mata... singhot.

Hindi naman sa sinasakal natin sila, na gusto natin laging puro tayo nalang... di naman tayo tanga para isipin na tayo lang ang tao sa malaking mundo nila. Kung pwede lang talagang maging selfish at ipagdamot sila... Isip bata? Sino, tayo? HAHAHA! Simple lang naman ang gusto natin, kung talagang mahalaga tayo sa kanila mas ok ata kung mas ramdam natin kesa sa parang balewala lang... lalo't dun pa nila tayo sinanay mula umpisa. Sinong hindi maninibago? Sinong 'di mananamlay? Sabay sumbat na ang babae naman daw puro lang salita, magaling lang sa umpisa... hanggang text lang ang kaya. HAHA! Ang sarap tumawa. Mag-effort kang manlambing sa paraan na alam mo kulang pa para sa kanila, maging normal ka ikaw pa ang bato. Gawin ang alam mong tama para wala ng masabi, sasabihin pa rin "Ako nalang ba lagi magdadala sa relasyon na 'to porket ako ang lalaki? Magsalita't makaramdam ka naman!" Mag-effort bumawi kahit tumakas, gabihin, magsinungaling, pagalitan ng magulang, ma-grounded, ma-cut ang allowance isama mo narin na no internet for one month... masabi lang na hindi ka lang sa text magaling at maabot lang ang demands nila tapos sasabihin lang "Yun na un?" sabay tatawanan ka ng malakas. AYOS! :)

*Kuha ng Tanduay Ice...buntong hininga.

Eto pa malala... pag sila ang possessive may magagawa ba tayo? Hindian mo sa bagay na gusto nila, magagalit. May nagtext lang ng simpleng "Hi!" kahit di mo replayan, may boylet na. Magpaka-sweet ka masyado sasabihin ang corny mo para kang bata... magpamiss ka sasabihin nagsasawa ka na. Wag kang kumibo sasabihin ang manhid mo. Tumalak ka sasabihin ikaw nalang lagi ang tama at sila na ang mali. Sagutin nga nila, san ba talaga nila tayo gustong ilugar?

Talo pa daw natin ang astronaut sa paghingi ng time and space. Escape daw natin yun parati tuwing nagkakaproblema't nagkakagulo. Akala kasi nila pag hiningi natin ang bagay na yun pahiwatig na katapusan na ng mundo nyo. Diba nila naiisip na kaya natin yun ginagawa ay para makapag-isip ng mas malinaw at tama? Kahit si wonderwoman at superman, napapagod at nagpapahinga din. Mas ok naman kasi sigurong magdesisyon sa isang bagay na sigurado ka, hindi lang dahil sa nadala ka ng galit at sakit, nabitbit ka ng kalituhan at kalungkutan... sana malaman din nila na sa lahat ng pinakaayaw nating mga babae eh yung pabigla-bigla. Hindi lang sila ang nasasaktan at nahihirapan... tayo din.

*Pang apat na bote...

Tanggap naman natin, emosyonal tayo, iyakin, madalas selosa pa... kahinaan at kaartehan man yun sa kanila, naisip man lang ba nila minsan na pagpapakita rin yun na nasasaktan tayo? Na kaya nga natin sila piniling makasama kasi alam natin may kakayahan silang buoin yung kulang satin? Na mas kumpleto tayo pag nandyan sila? Hindi pag-iinarte at pagiging emotera yun... pagpaparamdam lang na aminin man natin o hindi, gaano man tayo magmatigas, sila ang kahinaan natin. Eh kaya lang mas mahal ata nila ang pride nila kesa satin. LECHENG EGO YAN, NAUSO PA KASI!

*Baba ng pang-apat na bote... Suka... Tawa sabay luha... HAAAAY!

Pag tayo daw nakipagbreak wala na daw sila magagawa... pag tayo nagdesisyon yun na daw yun. Para san pa kaya na nagkaroon sila ng dila para magsalita at lumaban? Aaah pride, oo nga pala! Natapakan ba? Eh yung aspeto na kaya nga may "kayo" "ikaw at ako" "tayo"? Ewan ko lang ah, pero parang mas kahinaan pa kung ipaglalaban mo, mas kamartyr-martyr pa kung hahayaan mo nalang.
Pag ang lalaki nakipagbalikan and humingi ng second chance, normal... pero pag ang babae lumapit at nanuyo ulit... ABA! Di ka na nga binalikan at pinagbigyan, ikaw pa naturingang hahabol-habol. Umiyak ka man ng dugo at tumakbo ng paluhod... basta natapakan na ang di dapat matapakan sa kanila, end of story na. Eto na pinakamahirap sa lahat, ang pagtanggap na wala na talaga kayong pag-asa... sarap maging invisible! Maniwala ka sa 3 months rule! Kulang pa nga ata ang tatlong taon para masabi mong okay ka na... Eh wala eh, ganyan talaga ang buhay, ngayon masaya ka... bukas luluha-luha. Problema mo na kung pano ka makakasurvive sa bawat gabi habang yakap-yakap mo yung teddy bear na malaki... bahala na tayo magpatuyo ng punda tuwing magigising tayo sa madaling araw na basa tayo ng luha... problema na natin pano itatago ang eyebags at mugto nating mga mata... minsan sa sobrang depression, pati buhok pagdidiskitahan. ngiti lang daw... tawa dito, halakhak doon. Tama yan, tayo lang naman nakakaalam na nagmumukha na tayong tanga sa araw-araw nalang na pagpapanggap nating okay tayong wala sila. Tuloy lang ang buhay... :)

*Kuha ulit ng tissue, pahid ng luha... singa.

Sa lahat ng pinaka mahirap kalimutan nating mga babae, yung date kung kelan nagkahiwalay... talo pa nyan ang monthsary at anniversary. Magbubukas ng FB... nanakaw ng silip sa wall nya... matagal mo din kasing natiis na di tingnan, umaasang... malay mo... tapos matitigilan, bibilang kung ilang buwan na simula nung huli... di pa makukuntento, i-babrowse pa hanggang dulo hanggang mapagtantong IKAW NALANG ANG HINDI NAKAKAPAGMOVE-ON! May bago na sya ikaw iiyak-iyak pa rin sa isang sulok. Asa nanaman tayo!

Di talaga madali maging babae...gaya ng akala nila. Parang kahinaan pa nga sa mata ng marami. Tayo magulo? Pabago-bago ng isip? Pare-pareho lang tayong nagmamahal, yun nga lang may mga bagay lang talaga na wala ang isa at meron ang iba. Nasa pagtanggap lang yan ng kahinaan at kahigitan ng isa.
Okay lang ako... okay lang talaga! Oh ikaw? Kamusta? Kanina ka pa tahimik ha! Hoooy! Di ka na nakapagsalita... inlab ka noh? Tsk tsk tsk! Ako, eto... okay lang...nag-iisip isip, nagmumuni-muni...

TULALA NANAMAN SA ISANG TABI... :)

0


Did You Like This Poem?

Latest Comments

  • 11 years ago

    by Edward Oropeza

    Di ako nag-expect na mi mga tagalog rin pala dito waa

More Poems By Call Me Alpha